Hindi biro ang arkitektura

Simula

Nasa Elementarya ako ng mapansin kong nahihilig ako sa Sining. Hindi sa Asignatura namin kundi sa Sining mismo. Ang una kong Sining na nakita na talagang napabilib ako ay ‘yung Komix ng kaibigan ko. Klasmeyt ko siya nung ikatlong grado. Ang galing niya gumawa! Ang nakakatuwa pa sa gawa niya, isa ako sa karakter na ginuhit niya. Malaki pa katawan!

Dahil sa pagbabasa ng kanyang mga gawa at pagbibigay ng makukulit na ideya para sa mga susunod niyang gawa. Hindi ko namalayang gumuguhit na rin pala ako.

Nasa Ikalawang baitang nako ng pag-aaral nang maging libangan ko na ang gumuhit gamit ang kompyuter. Guhit lang ng guhit. Gawa lang ng gawa. Kahit anung maisipan kong iguhit, iguguhit ko. Hanggang sa hindi ko ulit napansing gumagaling na pala ako. Sabi ng nanay ko, subukan ko daw mag arkitektura. Sige po. Ang sabi ko. Walang problema. Susubukan ko lang naman e.

At dahil mas nasanay na ako gumuhit gamit ang kompyuter, naging mahirap para sakin ang gumuhit ng mano-mano. Sabi ng guro ko nun sakin, lahat daw ng ginuguhit kong bagay nagmu-mukhang insekto. Kahit tao pa ito. Pero hindi ko pwedeng biguin si nanay. Kailangan ko talagang maging arkitekto.

“Sleepless Hero”

Yan ang kasabihan ng mga arkitekto sa eskwelahan ko ngayon. Walang tulugan parang si kuya germs.

Hindi biro ang arkitektura. Nakasalalay sa atin kung paano magiging maganda at kaakit-akit ang panlabas at panloob na anyo ng isang bagay. Para kang tumatawid sa kalye. Kailangan mong tumingin kaliwa’t kanan kung tugma ba ang pinili mong kulay para sa pinto, kung bagay ba ang mga materyales na kinuha mo at kung may pumapasok bang liwanag at hangin sa loob ng disenyo mo. Kailangan balanse, kundi masasagasaan ka!

Hindi biro ang arkitektura. Dapat lahat ng espasyo nagagamit at napakikinabangan. Kailangan maging masaya ang kliyente mo o kung sino pa man ang gagamit nito. Pambura at pang-guhit ang armas ng mga walang tulog na bayani natin at lamesa naman ang pansalag. Kailangan mo yung pang huli kung hindi natuwa yung kliyente mo sayo.

Hindi biro ang arkitektura. Kailangan mong tignan kung saan sumisikat ang araw at kung saan ito lumulubog para malaman kung saan magandang iharap ang dinisenyo mong gusali o tirahan. Mas unang ginawa ng diyos ang kalikasan kaya dapat tao ang sumusunod dito. Kung malamig ang panahon, dapat para sa pang malamig na panahon ang disenyo mo. Kung mabato ang isang lugar. Dapat para sa pang mabatong lugar ang disenyo mo. Mas magiging maganda ang kalalabasan kung ikaw mismo ang susunod sa kalikasan.

Hindi biro ang arkitektura. Dapat lahat ng gagawin mo ay may dahilan. Sining ang Arkitektura. Maraming pwedeng maging depinisyon. At dahil nga disenyo o sariling gawa mo ‘yon, ikaw lang ang nakaka-alam kung paano mo dapat siya ipagtanggol.

Hindi biro ang arkitektura. Tulad ng pagiging writer. Kung masakit ang ulo mo, tigil ang trabaho dahil ulo mo mismo ang ginagamit mo. Kung marami kang iniisip, magiging magulo ang tabaho dahil isip mismo ang ginagamit mo sa araw-araw ng buhay arkitekto.

Totoo nga ang kasabihan “Sleepless heroes”
Mahirap matulog ng masarap lalo na kung hindi ka sigurado sa mga ginawa mo.

Pero sa kabila ng lahat ng paghihirap. Astigin din naman ang arkitektura. Kung magigiba man ang dinisenyo mong gusali o tirahan. Hindi dapat ikaw ang sisihin sa nangyari. Nagdisenyo ka lang hindi ikaw ang nagtayo. Sisihin ang mga enhinyero! At kung sakaling maka-graduate ka. Pwede mo nang lagyan ang pangalan mo sa unahan ng “AR”. Lalo na kung lisensyado ka. Kahit siguro ‘yung mga pinangarap mong babae sa eskwelahan niyo nuon ay pagkakaguluhan ka na ngayon kung magkataon.

Sabi rin ng ilan na kahit sino daw ay pwedeng maging Arkitekto. Matalim na imahinasyon lang ang kailangan at masipag na dalawang kamay ay pwede na daw. Talento? Maraming nakikilalang tao kahit walang talento. Pero dahil nga walang taong walang talento. Mas mabuti na yung meron ka kahit papaano.

Ngayong nag-aaral ako. Sa tuwing may nakaka-harap akong lisensyadong arkitekto, tingin ko sa kanila ay isang higanteng tao. Kahit pa magkasing laki lang kami nanliliit talaga ako. Iba kasi ang pakiramdam pag iniisip mong naghihirap ka ngayon tapos nalampasan nila ‘to.

Lalo na kung titignan ko yung listahan ng mga susunod pa naming asignatura. Ang layo pa ng lalakbayin namin para makasabay sa byahe nila. Sobrang layo pa.

Nung bata ako, ang pangarap ko lang sa buhay ay isang malaking kwarto na puno ng paborito kong laruan. Pero dahil nga nagbibinata na ako at tumatanda na ang mga magulang ko. Gusto ko silang disenyuhan ng pangarap nilang bahay habang nabubuhay sila. Kabayaran ko yun sa pag-likha nila sakin dito sa mundo. Magaling silang arkitekto. Kahit hindi sila nag-aral nito.

Sa ngayon ang pangarap ko muna ay makatapos ng pag-aaral. Saka na yung nasa itaas kung natupad ko na yung una kong pangarap. Mahirap mangarap ng wala kang plano. Kumbaga sa tinatayong bahay. Kung walang plano o hindi ka sumunod sa plano mo. Maraming uulitin, maraming mali at posibleng maraming maging kapalpakan. Saglit lang ang buhay. Hindi natin alam kung hanggang saan ang plano sa atin ng Diyos. Kaya dapat polido. Sunod sa plano.

Nung una gusto ko talagang maging Chef. Kaso sobrang mahal mag-aral ng Culinary Arts kaya sinuko ko na lang ang pangarap kong yun. Tutal bata pako nun. Sumunod maging I.T, pero sabi sakin ng nobyo ng ate ko, natututunan naman raw ang kompyuter kahit nasa bahay ka. Sunod kong sinubukang pangarapin ay ang pagiging Enhinyero. Ang problema nga lang matatakutin ako sa matematika. Kaya tinulugan ko na lang. Hanggang isang umaga, paggising ko, namalayan ko na lang ang sarili kong nag-iisip ng Manifesto para sa History of Architecture namin. Sana lang talaga mabasa ito ng propesor namin.

-Morante, Vic A.    


3 responses to “Hindi biro ang arkitektura

Leave a comment